Sino ang nagwagi?
February 13th, 2008Isang mainit na usapin ngayon ang katatapos lamang na pagpapalit ng liderato ng Kamara. Naging maugong ang usap-usapan ng suhulan, bayaran at vendetta. Sa isang banda, hindi ito kagulat-gulat dahil matagal nang ganito ang kultura sa Kamara. Tila wala pa itong naipapasang batas o nagagawang hakbang na walang bahid ng kurapsyon. Ang kalilipas pa lamang na pagpapalit ng liderato ng Kamara ay isa lamang patunay sa walang kamatayang kultura ng kurapsyon sa loob ng Batasang Pambansa.
Kung uusisain ng maigi, mariringgan ng bahid ng pamimintas ang talumpati ng pinalitang House Speaker na si Jose de Venecia. Sa simula’y nagbigay siya ng isang mahaba at madetalyeng listahan kung paano niya tinulungan ang karera ni Gloria Macapagal-Arroyo sa pulitika. Matapos nito, nagsiwalat siya ng mga diumano’y katiwaliaan ni Arroyo; isang bagay na ikinagulat ng marami sapagkat kilalang mahigpit na kaalyado ni Arroyo si De Venecia. Kaya namang hindi maiiwasan ang kuro-kurong mayroong namumuong hidwaan sa pagitan ng pamilya Arroyo at pamilya De Venecia. Isang bagay na hindi malayo mangyari matapos ang pagsisiwalat ni Joey De Venecia (anak ni Jose De Venecia) ng isang maanumalyang proyekto ng gobyerno na nagtuturo kay unang ginoo Mike Arroyo bilang utak. Malinaw na hindi na gaano maproprotektahan ni De Venecia ang interes ng Malacañang. Sa pagkabigo ni De Veneciang pigilan ang anak, ipinakita lamang nito na hindi niya kaya isaalang-alang parati ang interes ng Malacañang.
Natural lamang na maghanap ng kapalit ang Malacañang. At marahil, si Prospero Nograles na ang pinakakaaya-ayang kapalit ni De Venecia. Bukod sa pagiging mahigpit na kaalyado ni Ginang Arroyo, mayroong isang bagay na nawawala kay Nograles na mayroon kay De Venecia. Walang sariling kapangyarihang pampulitika si Nograles. Ang kanyang kapangyarihan ay nakasalalay sa pagtatagumpay at pananatili ng rehimeng Arroyo. Kung kaya namang hindi nag atubli ang rehimeng Arroyo na suportahan si Nograles sa kanyang paghahangad sa liderato ng Kamara.
Sa isang banda, may mabuti namang namang naidulot ang pagpapalit ng liderato ng Kamara. Una, nagkaroon ng pagkakataon at dahilan si De Veneciang isuwalat ang mga katiwalian ni Arroyo di umano’y kanyang nasaksihan. Pangalawa, nakita ng mamamayan kung gaano kabulok at kadesperado para manatili sa kapangyarihan ng rehimeng Arroyo. Pangatlo, magsisilbi ang mga isiniwalat ni De Venecia bilang panimula sa panibagong sigla ng kilusan upang mapatalsik si Gloria Arroyo Datapwat maraming naisiwalat na baho ang nakaraang balasa sa Kamara, hindi tayo dapat nakukuntento sa ating mga narinig at nakita. Dahil anupaman ang naging resulta ng botohan, wala naman talaga kay De Venecia o Nograles ang tunay na talunan. Tayong taongbayan ang tunay na talunan tuwing nagkakasuhulan sa Kamara. Tayong bayan ang napagkakaitan ng pagkakataon sa isang lideratong walang bahid ng ganid at kurapsyon. Kaya hindi nagtatapos ang usapin sa pagpapalit ng liderato. Bagkus, dapat natin isaisip na nagsisimula pa lamang ang ating laban para sa tunay na demokrasya.