Reaksiyon sa “A dangerous alliance” ni Leondro Lojo sa Youngblood: Unang araw ng Marso
March 23rd, 2008May mga pagkakataong ninanais mo nang bitawan ang panulat mo at sugurin ang isa pang manunulat na sobrang yabang. Sa sandaling matapos kong basahin ang kaniyang kolum, gusto ko nang makipagsapakan sa kaniya. Tama na ang pagbabalatkayong intelektuwal ako, problematiko naman talaga ang kalayaan sa opinyon ng liberal na demokrasya. Nasapul ako, isa ako sa mga “misguided idealists” na tinutukoy niya, na nakikipag-alyansa sa mga politiko. Bulag daw ako, inaakalang may maitatayong bagong lipunan mula sa mga sigaw at apoy ng sinusunog na effigy. Nais ko raw sirain ang kaayusan upang lumikha ng bagong sistema, kahit na hindi ko alam kung paano iyon tatakbo. Iyong mga dinudusta niyang nang-ii-spray sa Commonwealth? Ilan doon mga kaibigan ko! Akala raw namin na mga tagahawan kami ng pagbabago, ngunit mga simpleng anarkista lamang daw talaga kami. Maghanap na lamang daw kami ng trabaho at maging produktibo. Masakit ang mga salita niya, lalo na dahil nanggagaling sa isang kabataang hindi alam kung anong sinasabi niya.
Marami siyang pagpapalagay na akala niya tama subalit wala naman talagang basehan, halatang kulang ang kaalaman sa politikal na ispektrum ng Filipinas. Kung alam niya lamang ang kasaysayan at politika ng mga kilusang panlipunan sa bansa, maliliwanagan siya kung bakit may mga ganitong “dangerous alliance.” Nakulong sa napakasimplistikong terminong ito ang napakamasalimuot na ugnayan ng mga kilusang panlipunan at ng mga politiko. Delikado talaga ang mga alyansang ganito para sa mga kilusang ito, subalit hindi dahil sa inaakala niya. Delikado ito sapagkat nasasakripisyo ang mga saligang paniniwala ng mga naturang kilusan, na ang tunay na panawagan ay pagbabago sa sistemang oligarkiko at hindi sa personalidad lamang. Alamin ang kasaysayan upang malaman kung bakit kinakailangan ang alyansang ito at alamin ang politika at paniniwala upang maintindihan kung bakit hindi talaga ito isang tuwirang alyansa.
Hindi rin inaakala ng mga grupong ito na lilitaw ang isang bagong lipunan mula sa pagsisigaw sa lansangan. Isa lamang paraan ang mga mobilisasyon upang marinig ng pamahalaan ang hinaing ng mga taong isinasantabi ng lipunan. Hindi lahat ng Filipino nakapagsusulat sa Youngblood o nakakapag-blog. Hindi lahat may pagkakataong magamit ang mga “tanggap” na pamamaraan ng liberal na demokrasya upang maipahayag ang mga opinyon.
Maraming ginagawa ang mga grupong ito bukod sa pagrarali. Hindi lang sila/kami basta-bastang anarkista (nawa’y maisip niya na hindi gawain ng isang anarkista ang maglunsad ng isang organisadong pagtitipon ng mga tao sapagkat sinasalungat nito ang kaniyang paniniwala). Ang mga grupong ito ang kumakatawan sa mga marhinalisadong sektor ng ating lipunan, na hindi pinapansin ng pamahalaang binubuo ng oligarkiya at ng mga dinastiya. Sa mga usapin ng mass lay-off, kontraktuwalisasyon, demolisyon, pangangamkam ng mga lupain, militarisasyon, pagtaas ng matrikula, at iba pang isyu ng mga sektor na ito, ang mga grupong ito ang naninindigan at nakikipag-usap sa pamahalaan na tulungan sila. Subalit madalas nga lang na hindi sila pinapakinggan. Sa kaso ko, hindi lang din ako puro rali. Nagsusulat ako sa isang pahayagan sa aking pamantasan at patuloy pa ring nag-aaral (at sa katunayan, hindi pa bumababa sa B ang aking average bawat semestre, paumanhin sa pagmamayabang). Katulad ng ginawa ni Lojo, nais ko ring magkaroon ng master’s degree at magturo. Marami rin akong kakilalang nagrarali na nagtatrabaho rin sa mga NGO, kung saan napakaliit ng suweldo, patunay na ginagawa ng mga “misguided” na idealistang ito ang nais ni Lojo (”build more houses, establish more schools, help small and medium enterprises, and construct more roads”), at higit pa. Malay kasi sila na kung hindi nila igigiit sa pamahalaan na baguhin ang sistema, hinding-hindi matatapos ang gawain ng mga NGO, na kung magpapatuloy ang korupsiyon sa pamahalaan, hinding-hindi magiging sapat ang mga naitatatayong paaralan, patuloy na maghihikahos ang mga pausbong na negosyo at lagi’t laging mangangailangan ang mga daan ng pagsasaayos.
Bilang huling pagsasalungat sa kaniya, alam ng mga grupong ito kung paano tatakbo ang nais nilang bagong sistema ng pamamahala. Bubuwagin ang mga dinastiya at ang oligarkiya. Magkakaroon ng representasyon ang bawat sektor. Tunay na ipapatupad ang repormang agraryo, at titiyaking makaturangan at sapat ang mga sahod ng manggagawa. Gagawing libre ang edukasyon, hanggang sa kolehiyo at sa mga gradwadong antas sapagkat isang karapatan ang edukasyon. Magkakaroon ng pangkalahatang health care na titiyak sa kaligtasan at kalusugan ng mamamayan. Ipagtatanggol ang soberanya ng bayan mula sa mga di-makatarungang dikta ng mga gahamang bansa. Kung hindi pa sapat ang mga halimbawang ito, hindi ko na alam kay Lojo kung ano pa ang sasapat upang mapatunayang alam ng mga grupong nagrarali kung ano ang nais nilang pamamalakad sa isang binagong sistema.
Alinsunod nito, kaya nananawagan ang mga grupong ito ng pagbaba ni Pangulong Arroyo dahil hindi niya kailanman isinulong ang mga hinihinging pagbabago sa sistema upang magkaroon ng boses ang mga marhinalisado at bumuti ang kalagayan nila. Umunlad nga ang ekonomiya ngunit ipinagkait naman sa karamihan ang kainamang naidulot nito. Sa panahong nakaupo si Gng. Arroyo, dumami ang mga walang trabaho at ang mga mahirap. Bumaba rin ang average na suweldo ng mga manggagawa. Hindi nagkaroon ng reporma sa edukasyon (at lumala pa nga), at kumaunti pa lalo ang pagkakataon ng mahihirap na makapag-aral sa isang dekalidad na pamantasan. Halimbawa nito ang patuloy na pagsasapribado ng Unibersidad ng Pilipinas. Kung hindi pa sapat na dahilan kay Lojo ang pambabastos at paglabag ng kasalukuyang administrasyon sa mga saligang paniniwala ng demokrasya upang hingin ang kaniyang pagbibitiw, o upang sumali man lamang sa mga pagkilos, narito ang ilan pang dahilan.
Ayon sa kaniya, “Today, our society’s transformation depends on small, quiet, often undocumented steps toward political and economic stability.” Iyon din ang itinutulak namin, subalit laging nakatambad sa amin ang sistema at estrukturang humahadlang sa hinahangad na pagbabago sa lipunan.