Bayani ng bayan

March 12th, 2008

Agosto sa pitak ding ito, nabanggit ko roon ang wari pag-urong ng dila ni Rodolfo “Jun” Lozada nang hindi nito siputin ang kaniyang dapat na unang pagdinig sa Senado noong ika-30 ng nasabing buwan, dahilan upang maglabas ang mga mambabatas na nakatalaga sa imbestigasyon sa diumano’y katiwalian sa NBN-ZTE deal ng kautusan para sa kaniyang pagka-aresto kasama na si Romulo Neri.

Gayunpaman, matapos ang ilang linggong pananahimik at pag-iwas sa usapin mula nang ihayag sa publiko ni Sen. Allan Cayetano, puno ng Senate Blue Ribbon Committee (kalipunang nag-iimbestiga sa kaso) ang kaniyang identidad, nagsalita rin siya noong ika-8 ng Pebrero. Sa kasalukuyan, maituturing na siyang isang sikat na personalidad sa bansa, pinagkakaguluhan, dinudumog at hinahangaan ng marami. Kaya naman hindi na nakapagtatakang sa mata ng nakararaming kabataan, idolo siya kung ituring, patunay rito ang kaniyang mga pagdalaw sa iba’t ibang unibersidad at pamantasan sa kalakhang Maynila kung saan siya pinagkakaguluhan at sinasalubong ng hiyawa’t palakpakan. Kaugnay nga rito, taguri na rin sa kaniya ang pagiging isang bagong bayani, kalinya nina Ninoy, Rizal, Bonifacio at ng iba pa.

Simple lamang naman ang pupuntuhin ng pitak na ito. Umiinog ito sa pagtatalaga sa indibidwal bilang isang bayani (kaugnay na rito ang kaniyang pagiging martir) gaya nga ng pagturing ngayon kay Lozada, at ang ilang implikasyon nito sa lipunang kinabibilangan ng indibidwal.

Sa pagturing na ito kay Lozada bilang isang bayani, maaring paghugutan iyon ng ibang mga pagmumuni-muni. Una na rito ang pag-iisip na marahil napakadalang na ng mga taong nagsasabi ng katotohanan at hindi makaatim sa paglalahad ng kasinungalingan sa bansa kaya naman sa oras na may lumitaw na indibidwal na nagsabing namayani ang kaniyang konsensiya, maikokonsidera na siya bilang bagong bayani. Walang dudang may katotohanan ang huli, sapagkat talamak ang katiwalian sa bansa, at nangunguna pa rito ang mga pinuno ng bayan (hindi lamang basta pinuno, kinabibilangan pa ito ng matataas na opisyales ng gobyerno). Sa kontrobersiyal pa lamang na NBN-ZTE deal, dawit na kaagad ang Unang Ginoo Mike Arroyo, dating tagapangulo ng Commission on Elections (Comelec) Benjamin Abalos Sr. at ang mismong Pangulo, sa pagpayag pa rin ng huling maipatupad ang kontrata kahit na nababatid niyang may mali (kalabisan) sa kasunduan. Sunod na rito ang realidad na sa pagsasabi ng nalalaman, ng katotohanan, hindi mawawala ang pagsuong sa panganib sa sariling buhay. Ito nga ang nangyayari kalimitan sa sistema ng hustisya sa bayan. Na sinisiil ang mga nagsasabi ng kung ano ang totoo, sapagkat sa kadalasan, ang totoo ang sasagasa’t magtuturo sa kasakiman ng nasa kapangyarihan. Kaya naman hindi nakapagtatakang nahintakutan si Lozada na magsalita kaagad. Manapay nagpakita pa rin at nagpahayag ng nalalaman ang huli kaya naman naging katangi-tangi ang kaniyang ginawang pagpapasya, ito’y sa kabila ng mga banta sa kaniyang buhay at sa kaniyang pamilya. Sa panghuli, masusuring sa sinasabing pagpapakabayaning ito ni Lozada, naroroon ang pagkilala rito, at gayundin ang paninira upang talikdan ang kaniyang ipinahahayag. Nariyan ang usapin ng kaniyang pagiging adik at pagkakarooon ng kabit, bagay na maaaring ipinakalat ng kaniyang mga kinakastigo. Manipestasyon ang huli ng paghahadlang sa kaniyang magpatuloy pa sa adbokasiyang mailantad ang kabulukan sa kasalukuyang administrasyon bunsod sa mga paninirang-puring nabanggit. Ngunit sa kabila ng mga ito, nananatili ang pagsuporta sa kaniya ng higit na nakararami, kaya naman nakikita siya bilang isang bayani.

Ano ba ang kahulugan ng maging isang bayani?

Sa isang talatinigan, binibigyan ng tatlong pagpapakahulugan ang isang bayani: Una, bilang isang mitolohikal o maalamat na katauhan na kadalasan mula sa salinlahi ng kadiyusan na taglay ang kalakasan at kakanyahan; ikalawa, bilang isang taong hinahangaan para sa kaniyang mga karangalan at dakilang katangian; at ikatlo, ang indibidwal na nagpakita ng isang dakilang katapangan o lakas ng loob. Kaugnay naman rito ang depinisyon ng isang martir bilang indibidwal na nagsasakripisyo ng bagay na sadyang napakahalaga, lalo na ang kaniyang buhay sa kapakanan ng kaniyang ipinaglalaban o paninidigan

Higit na madalas kaysa hindi, tinitingnan at/o kinikilala natin ang mga bayani bilang mga indibidwal na wari mga perpekto, mga santo pa nga kung minsan na mga nasa pedestal kung ating harayahin. Hindi ito nalalayo sa unang pagpapakahulugan sa isang bayani. Subalit ang hindi natin naisasaisip, ay mga tao rin naman ang mga tulad nila. Na sila’y mayroon ding mga pagkakamali’t kahinaan kagaya natin. Kaya naman marami sa atin, iniiiba o inihihiwalay sila mula sa sariling kapasidad na makakilos at makatulong tungo sa pag-unlad at pagbabago.

Naaalala ko tuloy si Bro. Ritchie Fernando, S.J., isa sa mga Atenistang piniling maging Heswita. Sa isang misyon ng mga Heswita sa Cambodia, naganap ang kaniyang pagpapakabayani, o sang-ayon na rin sa depinisyon, ang kaniyang pagpapakamartir nang iligtas niya ang mga tinuturuan niyang mga may kapansanan o maging kulang sa katinuan sa pagkukubkob ng kaniyang katawan sa nahulog na granadang nabitiwan ng isang estudyante rin niya roon na tinangka iyong pasabugin dahil sa kaniyang hinanakit. Sa pagdulog sa pagkatao ng nasabing Heswita gaya na rin ng naibahagi ng ilang taong malapit sa kaniya, maloko rin si Fernando, mapagbiro, at kung ipapaloob sa konteksto ng mga may kasutilan sa kasalukuyan, isa siyang pasaway sa kaniyang kabataan. Hindi ko sinasabi ito upang siya’y siraan o itanggi ang pagturing sa kaniya bilang isang huwaran o bayani nga, bagkus isa lamang itong pagnanais na bigyang-diin na gaya ni Fernando at/o Lozada, isa lamang silang pangkaraniwang mga mamamayan. Naging pambihira sila sapagkat ipinaglaban nila ang katotohanan, ang kanilang paninidigang paglingkuran ang kanilang kapwa, ang nakararaming mamamayang nangangailangan.

Kaya naman nagsisilbing panawagan na rin ang pagsusuring ito kay Neri, sa mga miyembro ng gabinete at sa iba pang mga opisyal ng gobyerno na magkaroon na sila ng lakas ng loob na kusang magpakita sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa katiwalian sa nabanggit na kontrata sa NBN at doon sabihin ang kanilang mga nalalaman. Kinakailangan na ng bayang ito ang mga maituturing na bayaning isinasantabi ang kahinaan ng loob, na handang magsakripisyo para sa kagalingang panlahat, hindi iyong pinangangalagaan ang kapakanan ng iilang mga tao lamang (pagka-oligarkiya nito) at/o ng siyang nasa pamunuan. Nananatili pa ring alipin ang ating bayan ng kahirapan, diskriminasyon, katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan.

Ang pagiging mulat, pagsisikap na makapangmulat at higit sa lahat ang pakikisangkot sa pakikibaka para sa pagkakaisa, katarungan, katotohanan at pagbabago ay isa nang malinaw na manipestasyon ng pagiging isang bayani. Huwag sana nating hayaang masayang lamang ang ipinaglaban ng mga nauna sa ating naglingkod para sa kapwa’t bayan at nagsikap na makamit ang kalayaan nito (na naging huwad na sa kasalukuyan). Ang pagpapatuloy ng kanilang nasimulan at pangangalaga sa idinulot ng kanilang pagtataya’t paninidigan ang katuparan ng kanilang pagtatagumpay.

Huwag nating hayaang mamayani muli ang katiwalian, kawalang katarungan at bulok na sistema ng pamamahala sa Filipinas. Sakbibi ng ating mga hiyaw sa lansangan para sa pagbabago ang hiyaw ng mga nakaraan, kasalukuyan at hinaharap na bayani ng bayan.

Hindi lamang sa mito nangagmumula ang mga bayani.

Pilit ikinukubling katotohanan

January 31st, 2008

Matapos ang mahigit apat na buwan mula nang isiwalat ni Jose ”Joey” de Venecia III, anak ni House Speaker Jose de Venecia Jr., ang katiwalian kaugnay sa pakikipagkontrata ng gobyerno para sa proyektong National Broadband Network (NBN) sa korporasyong ZTE ng Tsina, lumabas ang pangalan ng isang personalidad na diumano’y siyang higit na nakaaalam sa mga detalye ukol sa nasabing iskandalo kabilang na ang mga suhol na napasakamay ng di-iilang makapangyarihan at nasa mataas na katungkulang mga opisyales. Nilalayon ng nasabing kontrata na magtayo ng isang broadband network na mag-uugnay sa mga ahensya ng pamahalaan at lokal na yunit ng gobyerno sa buong bansa, subalit naging malaking kontrobersiya ito dulot ng diumano’y $137-milyong (mahigit-kumulang P8 bilyon) paglabis sa halaga ng kasunduan at sa pagkakadawit ng pangalan nina dating tagapangulo ng Commission on Elections (Comelec) Benjamin Abalos Sr. at Mike Arroyo na siyang asawa ng Pangulong Gloria Arroyo.

Lumutang ang pangalan ni Rodolfo Noel I. Lozada Jr., tagapangulo at CEO ng Philippine Forest Corp. na sinasabing siyang susi ng imbestigasyon sa pagsagot ng mga kulang na impormasyon ukol sa $329-milyong kontrata sa ZTE at sa gayon, mapagkabit-kabit ang mga nauna nang testimonya nina de Venecia at Romulo Neri, kasalukuyang tagapangulo ng Commission on Higher Education o Ched at nanunungkulang direktor ng National Economic Development Authoity o Neda sa panahon ng pakikipagkasundo ng gobyerno sa ZTE. Isang eksperto sa IT, si Lozada ang kaibigang kinasangguni ni Neri sa pagsusuri sa proyektong NBN at pag-bibigay ebalwasyon sa mga panukala ng ZTE at ng Amsterdan Holdings Inc. o Ahi, ang kompanyang pinangangasiwaan ni de Venecia na nagbalak ring makipagkontrata sa gobyerno sa proyektong NBN subalit hindi napili.

Nakatakdang magbigay ng testimonya si Lozada ukol sa ZTE sa Senado nitong Enero 30 at inaasahang makasasagot sa usapin kung nakatanggap nga sina Abalos at Arroyo ng pera mula rito at sa iba pang katiwalian sa likod ng pakikipagkontrata, subalit tila umurong ang dila nito nang umatras siyang magpakita para sa imbestigasyon ng mga lehislador sa Mataas na Kapulungan. Ayon kay Senador Panfilo Lacson, natakot ang huli bunsod ng mga banta sa kaniyang buhay mula sa Malacañang. Naiulat pang ang bawat niyang kilos ay minamatyagan umano ng mga kinatawanm ng gobyerno.

Sa ngayon, pinaghahandaang makuha ang mayorya ng mga miyembro ng komite sa imbestigasyon ng Senado sa nasabing isyu ang petisyon para sa pag-aresto kina Neri at Lozada sa hindi nila pagdulog sa pagdinig ng kaso upang makapagbigay ng testimonya.

Kaugnay sa hindi pagsipot ng dalawang personalidad na nabanggit ang pagbabawal din ng Malacañang sa mga miyembro ng gabinete sa pagdalo sa mga kongresyonal na pagdinig na maikokonsidera nilang walang kinalaman sa gawaing lehislatura at kung ito’y para lamang sa destabilisasyon ng gobyerno.

Subalit kung sisipatin ang nangyaring pag-atras ni Lozada, ang pagtanggi ni Neri na magsalita pa bilang kaniyang pribilehiyong ehekutibo at ang naturang pagbabawal sa mga miyembro ng gabinet, isyu nga ba ng destabilisasyon ang tunay na dahilan ng gobyerno sa pagsasagwil na ito sa mga potensyal at krusyal na testigo sa mga kasong gaya ng sa ZTE o baka naman pag-iwas lamang iyon na lumantad ang katotohanan at madungisan pa ang marumi nang pangalan ng gobyerno sa ilalim ng administrasyong Arroyo?

Sa mga pangyayaring nabanggit ukol sa imbestigasyon sa katiwalian sa ZTE, mainam na suriin kung ano ang implikasyon nito sa kalagayan ng hustisya sa ating lipunan. Kung ganito rin lamang ang nangyayari, hindi malayong matulad lamang ito sa kaso ng iskandalong “Hello Garci” na kinasangkutan ng mismong Pangulong Arroyo na nananatiling walang kalinawan at pinatutunguhan ang kaso. Gayundin, hindi marapat na manatiling malaya ang mga nararapat na parusahan sakali mang totoo ang mga paratang ni de Venecia at Neri hinggil sa kaso ng pakikipagkontrata sa ZTE. Magkagayunman, kinakailangang lagyan ng ngipin ang ipapataw na parusa sa mga mapatutunayang maysala, hindi iyong kabababa pa lamang ng hatol na nagpapatunay na nagkasala ng pandarambong ay palalayain na ng gobyerno makalipas lamang ang ilang buwan. Kaugnay sa pagtestigo ni Lozada, hindi rin dapat ipinaiiral ang karahasan, pananakot at paniniil laban sa mga naninindigan para sa katarungan at katotohanan gaya ng naging kapalaran ng desaparecidos at mga napaslang na aktibista’t mamamayang kritikal sa pamahalaan. Idagdag pa rito ang pilit ding paglilimita sa mga mamamahayag na maisapubliko ang mga tunay na pangyayari sa bansa, gaya ng di-makatarungang pag-aaresto at wala sa lugar na pagkakaso ng libelo.

Sa mga kaganapang ito, nasaan ang paninindigan ng administrasyong Arroyo para sa katarungan?

Hindi sapat ang pagbabasura lamang ng Pangulo sa nasabing kontrata dulot ng katiwaliang naiuugnay rito. Hindi marapat na mangahulugan iyon na kasamang maibabasura ang isa sa mga krusyal na bahagi ng imbestigasyon sa kontratang ZTE at ang katotohanan sa likod nito. Huwag pigilan ang mga maaaring maging testigo sa pagsisiwalat ng totoo gaya ni Lozada at marapat na manindigan si Neri na maibigay pa ang kaniyang mga nalalaman sa isyu. Nakumpirma na niyang sinuhulan nga siya ni Abalos para sa pagpapatupad ng kontrata, bakit nabubusalan ngayon ang kaniyang bibig na ipagpatuloy pa ang pagtestigo at sagutin o linawin kung ano ang naging tayo ng Pangulo ukol sa isyu?

Maging patas dapat ang adminitrasyong ito sa pamamagitan ng pagpapahaya sa mga nais na tumestigo sa mga kasong kasangkot sila na maipasailalim sa mga imbestigasyon.

Ayon kay Ignacio Bunye, ang imbestigasyong ito sa kontrata sa ZTE ay nakasasagabal lamang sa kalakaran ng negosyo at nakagagambala sa kasagsagan ng paglago at repormang panlipunan ng bansa. Subalit, ang mismong mga pagsagwil at di-pagbibigay suporta sa imbestigasyon at ang mga sinasabing pananakot upang hindi humarap ang gaya ni Lozada sa proseso ng hustisya ay isa nang manipestasyon ng paghahadlang sa pagyabong at pagbabago ng lipunang ito. Sa bansang gaya ng Filipinas na batbat na ng sugat dulot ng kahirapan, katiwalian at kawalang katarungan, ang pagtataguyod at pagpapatuloy na maimbestigahan ang kaso sa pakikipagkontrata sa ZTE upang mabigyang kalinawan ang isyu at sa gayon managot ang mga maysala ay maituturing na ring isang uri ng pag-usad sapagkat sa pagkakamit ng katarungan nagsisimula ang pagtitiwala, sa pagtitiwala nag-uugat ang pagkakaisa at sa pagkakaisa napasasakamay ang tunay na kaunlaran. Para saan pa ang mga estadistika o datos na nagpapahiwatig ng paglago ng ekonomiya kung patuloy na namamayani ang katiwalian, kawalang katarungan sa bansa at hindi nakikinabang mula rito ang nakararaming mamamayan. Huwad na kaunlaran lamang iyon kung ating susuriin sa mabusising pagtingin.

Huwag hadlangang lumabas ang katotohanan. Manindigan.