Humuhulagpos na Haraya
February 6th, 2008Problematiko na namang pagtulong
ni Maki Lim
Harap ng damit: Ateneo-La Salle Champions. Likod: The Sum1lao farmers, walk 4 land, walk 4 justice. Panghatak para may bumili: make your money do the walking.
Ito ang nakalagay sa damit na ibinebenta ng mga “may pakialam” na Atenista, kasama na ang patalastas nila hinggil dito, bilang donasyon para sa mga magsasakang Sumilao, na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakukuha ang lupa nila. Sa unang tingin, mukhang nakaisip ang mga Atenista ng isang bagong pagtulong na malikhain na maaaring tangkilikin talaga ng mga mag-aaral. Ngunit, sa unang tingin lamang ito. Nakapagtatakang laging isinasama nitong mga “bumababa-sa-burol” na Atenista sa kanilang pagtulong ang pangalan ng Ateneo (naalala niyo pa ba ang ibinigay nila sa mga magsasaka na “Ateneo Supports the Sumilao Farmers” na damit?) at pera (isa pang halimbawa: Project 50/50).
Hindi ko ikinakailang maganda ang mga ganitong proyekto subalit nakababahala, kung iisipin. Bakit nga ba kailangang ipangalandakan lagi na tinutulungan ng Ateneo ang mga taga-Sumilao? Bakit sobrang yabang natin, lalo na sa kasalukuyang ibinibenta?n Bakit kailangang pangalanan ang pagtulong? Kung ganito tayo tumulong, katulad lamang tayo ng mga politikong naglalagay ng kanilang pangalan sa bawat waiting shed na kanilang ipinapatayo. Katulad ng tanong natin sa kanila na para saan ba talaga ang mga iyon, sa kapakanan ng taumbayan o sa pananatili nila sa kapangyarihan, gayon din ang maitatanong sa atin. Para saan ba talaga ang ating pagtulong, para sa katarungan ng mga magsasaka o para sa pagpapabango sa pangalan ng Ateneo?
Produkto ba ang Ateneo para ipatalastas maski sa “paglilingkod” sa mahihirap? Katulad ba tayo ng mga kompanya na upang makilala ang kanilang negosyo (at kung gayon, upang kumita pa rin) ay naglalagay ng kanilang pangalan sa kanilang huwad na pagtulong (corporate social responsibility ang tawag doon)? Sa bagay, kasama ng GK-Wyeth, GK-Philips, at marami pang ibang tambalang GK-kompanya ang GK-Ateneo.
Dagdag pa sa mga ito ang usapin ng pagtulong sa pamamagitan ng pera. Hindi maitatanggi, nakatutulong ang pera. Ngunit hanggang saan? Mababago ba ng ating mga donasyon ang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng mga taga-Sumilao? Nakapaglalakad ba talaga, kaisa sa mga magsasaka, ang ating sobra-sobrang salapi? Natutumbasan ba ng ating pera ang paglalakad ng mga taga-Sumilao? Napakakomportable naman ng ating pagtulong.
Alalahanin din ang Project 50/50 ng Sanggu. Nagpagawa pa talaga sila ng tarp para ipakita kung sino-sino na ang nakapagbigay ng donasyon. Muli, magtatanong ako, para saan ba talaga iyon, para may karagdagan pondo ng mga magsasaka o para may maipagmamayabang ang mga mag-aaral?
Tila sa ating bawat pagtulong, mayroon tayong nahihita. Damit, karagdagang advertisement sa pangalan, pag-angat ng pagtingin sa sarili. Laging bumabalik sa ating sarili. Kung gayon, pagtulong nga ba ito? Bagaman bumabagsak-bagsak ako sa Philo, mapapanindigan kong hindi ito ang pananagutan sa kapuwa na tinutukoy ni Levinas, na gustong-gustong ng mga Atenista.
Marami pang maaaring gawin ang mga Atenista para sa mga taga-Sumilao, bukod sa pagbili ng mga damit, na higit na makatutulong. Elitistang pagtingin man, naniniwala akong malaki ang maiimpluwensiya ng mga Atenista kapag sumali tayo sa diskurso at pagkilos na politikal. Sa usaping politikal dapat tayo higit na sumabak. Kontrahin natin ang mga argumento at patalastas ng San Miguel at ng pamilyang Quisumbing. Magsulat tayo sa Letters to the Editor ng mga pahayagan upang ipakita ang pagsuporta sa mga taga-Sumilao (marami nang sumasalungat sa ipinapanawagan ng mga magsasaka). Iparamdam natin sa mga sangay ng pamahalaan na nasa panig tayo ng mga isinantabi. Kumilos tayo, hindi lamang basta-basta magbigay ng pera. At huwag tayong tumigil hangga’t hindi nila ang kanilang lupaing matagal nang nararapat sa kanila. Sa ganang akin, higit tayong makatutulong sa pamamagitan ng mga ito.