Tampok na Isyu


Tanganglawin 2010

Tanganglawin

Ibang Tampok na Isyu


Hulagway 2010

Timpalak Tula at Sanaysay

hulagway Para sa karagdagang impormasyon at paraan ng pagsali, magtungo rito

Kalendaryo

Jan 28-Feb 13 Hulagway
 
Feb 5 Educational Discussion: Maikling Kurso
Speaker: Gary Devilles

Feb 6 Confederation of Publications Sportsfest

Feb 19 Rubdob

March 12 GA/Proklamasyon ng bagong pamunuan
Pag-aabang sa Kundiman: Ang Pagsagka ni Elias sa Katagang ālea iacta est ni Caesar
ni Hermund Rosales   
Wednesday, 23 January 2008
Sa wikang Ingles, nangangahulugan ang salitang ālea iacta est na the die is cast. Ayon sa kasaysayan, ang wikang Latin na ito ang katagang binigkas ni Julius Caesar nang pangunahan niya ang kaniyang hukbo sa pagtawid ng Ilog Rubicon. Sa pagtahak sa landasing ito, binagtas ni Caesar ang lupalop kung saan hindi na siya "itinalaga" upang mapabilang pa. Hindi ito alinsunod sa utos ng Senado at malinaw na pagsuway sa mga kinauukulan – ang institusyong naglagak sa kaniya sa katayuang kaniyang tinamasa. Manipestasyon ang katagang iyon ng isang "pagpapasyang wala nang atrasan," "ang punto kung saan wala nang balikan."

Sa aklat na Pag-aabang sa Kundiman, Isang Tulambuhay ni Edgar Calabia Samar, maitutulad si Elias, na siyang pangunahing personang hinabi sa koleksyong ito ng mga tula, kay Caesar. Mula sa maliit na mundo ng lalawigan kung saan siya tunay na napabibilang at isinilang, nagsuwail siya at nagtungong nag-iisa sa malawak subalit masalimuot na daigdig ng lungsod. Subalit naiba naman sa nasabing pinuno ng hukbo, nagbalik si Elias sa kaniyang pinanggalingan sa panahong kaniyang napagtantong unti-unting kinikitil ang kaniyang buhay sa lungsod ng pangungulila sa kaniyang bayan, pamilya, kasintahan at mga kaibigang nilisan. Gayundin kasama sa pag-uwi niyang iyon ang pagharap sa kaniyang tinalikdang takot at katungkulan sa kaniyang bayan. Pinairal naman niya rito ang "pag-atras nang nasa katwiran" at "pagbabalik sa nararapat na kapalaran."

Sa maigting na pagsusuri sa pabalat ng koleksyon, makikita na ang nais ipahiwatig ng kaniyang nilalaman. Puti ang nangingibabaw na kulay sapagkat nagpapahiwatig ng patlang na pag-aaninaw sa bawat simula ng paglalakbay, pag-aabang o anumang paghihintay. Sa pagtahak ng landasing walang katiyakan tulad ng ginawang pakikipagsapalaran ng persona, patlang ang nasasalagimsim na kahahantungan. Waring blangkong papel ito na walang pinta at ibang kulay o dili kaya’y tiyak na anyo man lamang ang nakalapat. Puti rin ang kulay na nagbibigay manipestasyon sa pag-iisa at malumbay na paghihintay. Sa pagsinsay ng landasin at malayó sa mga taong mahalaga para sa indibidwal, nagiging alipin siya ng hilahil at pangungulila. Ika nga, "walang kulay ang buhay" sa ganuong sitwasyon. Kapansin-pansin din naman sa pabalat ang mga kulay luntiang nagdulot bahid sa kaputiang nabanggit. Maaaring naglalarawan ito ng mga lumot na lumitaw bunga ng maraming taong lumipas, dulot ng pagtakas ng oras patungo sa bukas nitong hinaharap. Isa itong marka ng matagalang paghihintay, pag-aabang at paglalakbay ng persona sa tula. Lumot ito na tila bumalot sa naging batong puso ng persona upang maging paking lamang sa naghuhumiyaw na hinaing ng kaniyang bayan at hindi magbigay pansin at pakialam sa marahas na katotohanang sumusubakob sa kaniyang lipunan. Lumot din ito na bakas ng kaniyang mga tinahak na nagsilbing yabag sa kaniyang paglalakbay. Sa patuloy na pag-aanalisa sa pabalat ng aklat, naroroon ang magkapatong na larawan. Sa itaas na larawan, ipinakikita ang isang babae. Gamit ang mga tula sa koleksyon bilang batayan, mahihinuha na maaaring si Maria Makiling ang nilalang na ito na sukob ng kapagalan, kapanglawan, lumbay at pagtatangis dulot ng naranas na kabiguan sa pag-ibig. Ayon sa tulang pinamagatang Huling Awit kay Mariang Makiling, nailahad ng persona ang kaniyang pakikidalamhati sa diwata at pananalig na masumpungan ito sapagkat magkatulad ang kanilang karanasan sa daigdig ng pag-ibig – ang paghihintay sa kawalang katiyakan.
    Ikaw na diwata ng bigong pag-ibig:
    tinutugis ako hanggang sa panaginip
    ng pait at panglaw sa ‘yong mga awit.
    Sa umaga’y hanap ka rito sa dibdib

Isinusog pa sa tula ang mga linyang :
    Siyang naghihintay pala ang asawa
    sa bayan, o kaya’y may iba pang sinta
    Siya na naghatid lamang ng pag-asa

    sa iyo, ngunit di kaganapan. Hibang,
    hibang tayo’t kulong sa mga pag-asam.
    Gaya ng makatang nakikipagsayaw
    sa himbing na musa, tayo’y nabubuhay

    sa panahong lipas: ikaw, sa alamat;
    ako, sa salaysay ng ‘yong paghihirap.

Gayundin naman, maaaring ang kaniyang ina ang babaeng nasa larawan na ayon sa tulang Kanto, naligaw ito sa pagliko sa mailing gubat.
    Naligaw ang nanay noon.
    Pagliko sa maling gubat. Maling pagliko
    sa gubat. Niligawan daw ng engkanto.

Maaaring sa pagkaligaw na iyon ng matagal na panahon, naiwang nababalot ng mga halamang baging ang kaniyang "tunay na katinuan at pagkatao" dahil na rin sa gansal na pangyayaring kaniyang naranas sa maling gubat. Kung anuman iyon, malaki ang posibilidad na nauugnay ito sa kadahilanan kung bakit hindi maganda ang pakikitungo ng kaniyang ina kay Elias. Marahil tinutukoy ng kamatayang ikinagagalit ng kaniyang ina sa bawat gubat, na nailahad sa tulang Elias, ang pagkamatay niya bilang "normal" na tao nang maligaw sa kasukalan. Maiuugnay rin dito ang kaniyang pagkamuhi sa pangalang Elias sapagkat ang karakter na ito ang namatay sa gubat o lupain ng mga Ibarra sa nobelang Noli Me Tangere ni Rizal.
    Hindi gusto ng nanay ang pangalan ko
    Kahit ako. (Hindi ako iyon, hindi akin iyon.)
    Naririnig ko lang iyon sa kaniya
    kapag tumatawag. Galit.
    Laging nakagugulat ang galit.
    Hindi ko alam kung nabasa ng Nanay
    ang Nobela noon. Basta’t galit siya sa gubat
    at sa kamatayan. At sa kamatayan
    sa gubat.
    ...
    Gising na gising ako habang ipinaghehele.
    Hindi ang nanay ang umaawit ng uyayi.

Sa huling paghinuha sa katauhan ng babae sa larawan, may posibilidad na si Ligaya rin ito, na maaaring para kay Elias matapos ang matagal na pagkakawalay sa kaniya, dinagit ng mga ibon mula sa pook na kinatatayuan at ipinadpad sa gubat ng kanilang mga alaala. Ang mga katawan ng punong nakatayo sa kagubatang ito ang sumisimbolo sa pagkulong na lamang ng persona kay Ligaya sa kaniyang isipan. Mapapansing tila mga rehas ang nabanggit na katawan ng mga puno, waring nagsasabing mananatili na lamang alaala si Ligaya para sa kaniya. Naipahiwatig ito ng persona sa tulang Pagitan.
    Dumating ang aking pinangangambahan:
    Kaya ko nang balewalain ang layo mo.
    ...
    Kasimbilis ng papalayong tren sa aking harapan,
    lagi’y nalilimot kong ikaw ang patutunguhan.

Kasama sa pagpapakahulugan ng tila mga rehas na ito ang pagkabilanggo ng pagkatao ng persona sa pangalang Elias sa naturang nobela, na nagbigay-daan sa hindi magandang pakitungo sa kaniya ng kaniyang ina. Nabanggit itong muli sa tulang Elias.
    Nakulong ako sa pangalan ng yumao.
    Si Lola ang nagpalaya sa akin: Ely

Ipinahihiwatig naman ng pananda na Kalye Kundiman, isang Kalye sa Maynila, ang nalimot at nabalewala nang kultura ng mga Pilipino dahil na rin sa pagsasakolonya ng España sa bansa na isinimbolo naman ng lugar na España sa tulang Pag-aabang sa Kundiman. Binigyang-imahe ng kundiman ang sinaunang kulturang Pilipino na ayon sa tula, bagaman inaawit sa mga inapo gaya ng Paraiso sa epiko, hindi naman nasilip maging ng Kasaysayan. Manipestasyon ito ng naglaho nang pagpapahalaga sa nakagisnan sanang kultura. Waring nakatambak na lamang ito sa kung saan man at nababaon na ng limot at ng pagkasilaw dulot ng Kolonyalismong Espanyol.
    Kapag kumisap ako’t sinabing ito’y – oo nga,
    Panaginip – magwawala ako, hanggang mawala
    gaya ng kundiman – na hindi totoong natagpuan
    ng mga sumakop.

Gubat naman ang imaheng ipinakita sa itaas na larawan sapagkat ito ang pinili ng persona sa tulang Kundiman.
    Mag-isang maglalayag sa isla ng paghilom. Ambon.
    Alon. Daluyong. Panahon. Oo nga pala, hindi dagat
        kundi gubat ang pinili kong panahanan ngayon.

Maaaring ang dahilan ng pagpiling ito ang mga nananahang alaala sa kaniyang isipan at balintataw. Kung babalikan ang mga tula sa aklat, maraming karanasan at pagmumuni-muni ang naganap sa kagubatan na naghulma na rin sa kaniyang mga nararamdaman.

Ang ibabang larawan naman ang mapa ng paglalakbay ni Elias. Makikita ang dalawang bahagi ng mapa. Sa kaliwang hati, naroroon ang nayon ng persona kung saan nakasulat ang mga pook na ipinangalan halos sa mga santo. Sa paglalarawan, makikita ang layu-layong agwat ng mga bayan sa rural na lunan. Mahihinuha rito ang katahimikan at maaaring maging pagkabato ng indibidwal tulad ng naranasan ng persona kaya naman nagnais na hanapin at taluntunin ang sarili sa lungsod. Samantala, sa pagdako naman sa kanang hati ng mapa, agad na sasambulat ang "pagbabago". Naroroon ang masalimuot na lungsod at ang sali-salimbay na mga kalye. Sa mga tulay, makabagong imprastraktura at teknolohiya na nakamit ng lungsod na siyang maaaring magpaliwanag sa magkakaugnay na lugar dito, sasalamin ang kaunlaran. Subalit sa kabila ng hatid na kaunlaran ng teknolohiya at pagbabagong ito, naroroon ang pagdatal din ng kawalang katahimikan, ng kaguluhan tulad ng ipinahihiwatig ng waring buhul-buhol na pook sa urban. Mapapansin ding pangalan na ng mga kilalang tao at propesyonal ang ngalan ng mga lugar dito. Ayon nga sa tulang Alibugha,
    Paano nila napagkakasiya sa kanilang sisidlan
    Ang alaala ng lalawigan? Di magtatagal,
    matutuklasan nila ang init ng lungsod,
    ang ingay ng sasakyan at mga bangayan,
    ang dilim  sa mga nilimot na lansangan,
    at maaaring may ilang bagaheng iiwan nila
    sa kung saan dahil di pala kailangan. Paglaon,
    makasasanayan ang piniling bagong buhay,
    lalong isisiksik ang sarili sa pagitan ng basura
    at dikit-dikit na bahay.

Sa pagsusuri naman sa iba pang aspekto ng aklat, masasabing payak lamang ang ginawang paglalapat dito (kabilang na ang font at font size) subalit siksik, liglig naman ang nilalaman ng bawat inilapat na tula ng may-akda sa aklat at mga kurong inihatid ng ilang kilalang makata at propesyonal tungkol sa akdang pampanitikang ito. Nagkakaroon ng pagbabago sa anyo ng letra (paglihis, madiin na pagkakasulat at pagbabago-bago ng agwat sa mga salita, linya at taludtod) upang mabigyang-diin ang ilang mga punto at ideyang nais ipahatid sa bawat tula. Karagdagan pa sa epektibong paglalapat, na marahil alinsunod sa kagustuhan ng may-akda, ang ginawang pagbura sa unang dalawang linya ng tulang Pag-aabang sa Kundiman.
May mga bagay na hindi matatakasan
Gaya ng kamatayan at ng sinilangang bayan.

Sa pagpapakita nito, napalutang at napatingkad pang higit ang nais ipahiwatig sa bahaging ito ng may-akda. Napaiisip, nagkakaroon ng malalim na pagsusuri, at nagtatanong ang sinumang makababasa nito kung bakit kailangang burahin ang mga linyang nasa itaas at maisama pa rin sa pagkakalimbag gayong binura na. Ganito marahil ang mahika rito: Hindi maiiwasan ang kamatayan at ang sinilangang bayan na kahit burahin sa isipan at alaala, pilit pa ring sisiksik at lalantad sa mga bagay na nakikita, tulad ng pahinang katatagpuan ng tula. Masasabi ring ito ang kauna-unahang nabuong nosyon sa isipan ng may-akda kaya naman mahalagang maipasama ito sa tunay na liriko ng tula.

Pagdating sa laki, mistulan isang pocketbook ang aklat. Isinaalang-alang dito ang kainaman sa pagbitbit nito bilang isang babasahin saanman maglakbay ang mambabasa. Maiuugnay rin ang laki ng aklat ukol sa paglalakbay na siya namang binibigyang-buhay ng koleksyon. Ayon sa akda ni Resil Mojares na pinamagatang Traveling Light, marapat na maglakbay tayo dala ang magagaan na bagay. Iwan na umano ang mga bagay na makapagpapabigat sa atin sa daan at hahadlang upang hindi makamtan ang ganap na kaligayahan sa paglalakbay. Ang bigat ng dalahin ang pumipigil kadalasan sa mga manlalakbay na masuyod nang husto’t may kasiyahan ang kaniyang nilalakbay.

Sa unang pagdulog sa pamagat na Pag-aabang sa Kundiman, Isang Tulambuhay, maaaring mawari na isa itong talambuhay na inilahad lamang gamit ang mga tula. Subalit hindi ito ganoon kasimple. Lumikha ang may-akda ng isang karakter na nagngangalang Elias upang mailarawan hindi lamang ang kaniyang buhay, bagkus maging ang tunay na kalagayan sa rural at urban na pook, o maging sa bansa sa kabuuan. Sa pagtalakay rin niya sa kaniyang mga karanasan, naisiwalat kung anong uri ng lipunan ang maaaring galawan ng isang tao. Sa rural, nariyan ang hindi maiwan-iwang mga paniniwala sa maligno, engkanto, diwata at payak na pamumuhay kung saan natatakot ang mga taong tulad ni Elias na walang mangyayari sa kanila kung sila’y mananatili lamang doon. Dito na pumapasok ang pagtunton nila sa sarili o ang paghahanap sa kanilang kaakuhan sa pamamagitan ng pagtungo sa lungsod. Sa kabilang banda naman, higit na madalas kaysa hindi, napagtatanto nila na balatkayo lamang ang nakabubulag na kislap at ningning ng mga nagtataasang gusali at makabagong imprastraktura sa lungsod. Sa masalimuot na mundo ng lungsod, masasabing walang puwang ito sa mga taong walang tiyak na patutunguhan sa lugar na ito. Kahaharapin lamang nila ang dustang kalagayan na paiigtingin pa ng pangungulila at sa kalimitan, ng pag-iisa.

Natalakay ang konsepto ng pag-aabang sa pamamagitan ng pagpapatingkad at pagpapalutang, hindi man sa lantad na pamamaraan, sa konsepto ng mga tula na umiinog sa paghihintay sa panahong makilala at matunton ang sarili, mapagtanto kung ano ang nararapat na gawin at tunguhin, maging ang paghihintay sa panahon kung kailan darating at/o malimot niya ang minamahal na si Ligaya. Sa paglalakbay na isinakatuparan ng persona, nagkabunga ang mga paghihintay na ito. Sa kabilang banda, tatlo naman ang maaaring ipinatutukoy ng salitang kundiman sa pamagat. Una, maaaring nangangahulugan ang kundiman na awit ng pag-ibig. Awiting nagbibigay ng imahe ng pagkakalma o pagkahinahon ang kundiman sapagkat naririyan ang nosyon na ipinatutugtog ito sapagkat may nagmamahalan.  Sa bawat sigalot, digmaan, at kaguluhan na naipahiwatig sa mga tula sa aklat tulad ng Pananalig sa Kamalig, naroroon ang pagnanasa at pag-aabang sa kundiman na kakatawan sa kapayapaan at katahimikan. Ikalawa, maaaring tumukoy ang kundiman sa Kalye Kundiman sa Maynhila. Tulad na ng unang nabanggit, representasyon ito ng isang kulturang nalimot dahil sa pagkaganyak nang labis sa kulturang hatid ng mga Kanluranin. Nalimot ito at naisantabi, marahil naiisip at minsanang naaawit subalit hindi nalilinang at tunay na matatagpuan sa puso at damdamin ng mga Pilipino. Kaya naman nag-aabang ang persona sa pagdating ng kundiman o pagnanasang maibalik ang kundiman sapagkat manipestasyon ito ng paglinang at pagkilalang muli sa sariling kultura. Ikatlo at panghuli, maaaring isang kombinasyon ng tatlong magkakahiwalay na salita ang kundiman (kung hindi man). Tutukoy naman ito sa paghihintay niya sa pagdating ng minamahal na si Ligaya. Nagpapakita ito ng dalawang opsyon ng persona sa kaniyang paghihintay. Kung makababalik si Ligaya sa takdang panahon, madadatnan siya nitong naghihintay pa rin sa kaniya at nagmamahal, subalit kung hindi man (dadatal ng sandaling ito), nalalaman din ni Elias ang pagdating ng oras na masasanay siyang wala si Ligaya sa kaniyang piling at hindi na maghihintay pa.

Sa pamamagitann ng paglalakbay at pag-uwi nakilalang higit ng persona ang kaniyang sarili kabilang na ang pagkilala sa kaniyang pagkatalo, kahinaan at maging katungkulan at kalakasan. Sa mga tulang Kailangan at Alibugha, naisiwalat ang kaniyang pagtanggap sa mga naging kamalian at realisasyon sa buhay.
    Sabi ko noo’y di na akomalulungkot
    sa pagpatak ng dahon. Pinitas ko
    ang huling bulaklak. Sa wakas,
    tinatanggap ko ang pagkatalo.

    ...

    Sinuway ko ang tagubilin ng Makata: umuwi ako,
    Napagpasiyahang ito ang pinakamabisang gamot
    sa lungkot at takot. Na hindi sa simbahan nalalanggas
    ang kasalanan: sa sariling bayan ang bukal ng paghilom.

Kapansin-pansin sa aklat ang mga bahaging may nakahiwalay na tula kung saan tinatalakay ang tungkol sa nasa isip, sinasaloob at karanasan ng isang tinatawag na "Makata." Gaya ng sabi ni Rio Alma, waring siya ang huwarang manunulat ni Elias na nakatagpo niya sa lungsod. Batay sa pagpapakilala at pakikipag-usap ni Elias sa Makata sa mga tula, lumaki sa ibang lupain ang Makata at hinahanap ang Kawalan. Nadala si Elias sa mga katwiran ng Makata na nagsilbing daan upang tangkilikin niya ang mga paniniwala nito, dahilan upang magkaroon ng pag-aalinlangan si Elias sa pag-uwi sa kaniyang pinanggalingan. Gayunpaman, hindi maiaalis ang posibilidad na maaaring iisa lamang si Elias at ang Makata. Nananahan ang dalawang katauhang ito sa iisang "katawan" sa mga sandaling hindi pa niya nahahanap ang tunay na pagkakilanlan, at hindi pa natutunton ang nararapat na panindigan. Nagkaroon ng dalawang paniniwala o "pagkatao" si Elias – siya bilang siya na matapos na magnais na hanapin ang sarili sa pamamagitan ng paglalakbay tungo sa lungsod, nagnasang makauwi dulot ng paninibugho at pangungulila. Naroroon ang nabubuong simpatiya niya sa nilisang bayan subalit hindi lamang makausbong at makahulagpos nang tuluyan sapagkat nasasagwilan ng isa pa niyang katwiran – ang katwiran niya bilang Makata. Maaaring nahulma ang pagkatao niya bilang ang Makata sapagkat naroroon ang isa pa niyang paniniwalang nahubog dulot ng pagnanais na maging tahimik sa kabila ng ligalig at umibig sa kabila ng pagkawakawak ng lipunan dulot ng digmaan at iba’t ibang kaguluhan. Nais niyang lumayo at silaban na lamang ang malulupit na alaala ukol sa kaniyang paligid. Ito ang masisilip sa pagpapakilala sa Makata bilang nilalang na buhat sa “ibang lupain” o masasabing “nalikha sa kagustuhan ng ibang lupain.”

Sa koleksyong ito ng mga tula, naipakita ang pagnanais ng persona na hanapin ang sarili, ang liwanag sa gitna ng dilim ng nararanas na kaguluhan, ang paghanap sa kaniyang kaakuhan. Kagaya ng tulang May Bagyo ma’t may Rilim, dinaan ng persona ang pagsasakatuparan ng kaniyang nais sa pamamagitan ng paglalakbay. Batid ng kapwa persona na sa paglalakbay, susuungin nila ang panganib subalit hindi nila iindahin ang anumang balakid sa kanilang tatahaking landasin. Batay sa tulang Alibugha, nagkaroon si Elias ng isang pagmumuni-muni kung saan naging determinado siya o ”buo ang loob” na hanapin ang sarili sapagkat inakala niyang hindi siya para sa nayon. Kaya naman pinanindigan niya ang nasabing pagmamatigas sa pamamagitan ng pagiging isang manlalakbay na nagnanais mamulat sa ibang “mundo” gaya ng persona sa May Bagyo ma’t may Rilim. Gayundin, nais ni Elias na malayo at talikdan ang kaniyang mga takot sa engkanto, tiyanak, mga pangyayari sa kaniyang bayan tulad ng pagsanib ng mga kaluluwa (nailahad sa tulang Misteryo ng Hapis) at iba pang pamahiin na nag-ugat pa sa unang paniniwala ng mga Pilipino. Sa ganitong aspekto, nahahawig ang panitikang ito ni Samar sa mga akdang nakapaloob sa Memoria dela Vida Christiana kung saan nabibilang din ang tulang Salamat nang Walang Hangga na naglalayong iadya umano ang mga katutubo sa maka-demonyong gawaing ito. Ang pagkamulat at hindi tuluyang pagkalinlang ni Elias sa pagkabighani sa mga prinsipyo ng Makata at ang pamumukadkad ng kaniyang simpatiya para sa kaniyang bayan ang maiuugnay sa mga akda ni Bonifacio at Jacinto upang kilalanin ang liku-likong pangangatwiran at tuntunin ang tunay na liwanag.

Sa paglalagom ng pagsusuring ito, sinagka man ni Elias ang katagang iacta alea est ni  Caesar, naayunan  naman niya ang katagang veni, vidi, vici (I saw, I came, I conquer) nang nahuli. Nakita niya ang ningning ng lungsod. Pumalaot siya rito at dumatal. Sa huli, nalupig niya ang pagkabulag na hatid ng nasabing ningning at napagtantong kailangan siya ng kaniyang bayang pinanggalingan.
 
Next >